Iba't ibang mukha ng prostitusyon ngunit isa lamang ang ugat... KAHIRAPAN.

Sabado, Hulyo 30, 2011

Sino ang mas masama?


Masama nga ba ang babaeng nagputa
o mas dapat pa ngang purihin siya
sa sakripisyo't katawang ibinenta 
para may makain ang pamilya 

sariling katawa'y isinakripisyo 
ibinenta sa mga parukyano 
na kaymura tulad ng karneng por kilo 
upang mabuhay lamang sa mundo 

kayhirap mabuhay sa sistemang bulok 
parang mundo'y pasan sadyang dumadagok 
di na makaraos kaya laging lugmok 
nagpuputa para sa mga dayukdok 

kailangang kumilos, magpakaputa 
ibibenta pati puso't kaluluwa 
basta't kumita lamang ng konting barya 
mairaos lang ang hirap at dusa 

naisip niya'y wala ng magbabago 
dahil ang buhay daw ay sadyang ganito 
puso niya'y tumigas na parang bato 
dahil sa kahirapang sagad hanggang buto 

paano ka ba tutulong sa puta 
upang sa araw araw ay makaraos siya 
bibili ka ba ng por kilong tinda 
at tatanggapin ito ng pikit mata 

titigan mo ang puta at kilalanin 
ginagawa niya ba'y kaya niyang lunukin 
di ba dapat lang na siyay tulungan natin 
upang pagbabago ay kanyang hangarin 

mas bayani pa nga siya kaysa mga pari 
mas marangal kaysa sa mga hari 
na isinakripisyo'y sariling puri 
mabuhay lamang pamilyang kinakandili

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento